Nagsagawa ng inspeksyon sina Municipal Administrator Cristina Perez, Executive Assistant Mel Salvador at Administrative Officer John Christopher Arandia sa Calaca Harvest Terminal Inc., Phoenix Petroleum, Calaca Industrial Seaport Corp. at Arvin International Marketing Inc. Layunin ng inspeksyon na matiyak ang maigting na pagsunod at pagpapatupad ng mga alituntunin hinggil sa waste management at health protocols kaugnay ng COVID-19 na ipinatutupad ng Pamahalaang Lokal ng Calaca ayon sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Nagsagawa rin ng inspeksyon ang Tanggapan ng Pambayang Kalusugan sa South Luzon Thermal Energy Corporation (SLTEC), Regasco, Pozzolanic Philippines Inc. (PPI) at South Pacific Inc. (SPI) upang matiyak ang pagpapanatili ng pangkalahatang kalusugan at sanidad sa mga kompanya dito sa Bayan ng Calaca. Nagkaroon din ng monitoring sa tubig, hangin at ingay ng kapaligiran ng bawat kompanya ang mga Sanidad.
Siniguro naman ng pamunuan ng mga nasabing kompanya ang kanilang pagtalima sa mga alituntuning ipinatutupad ng Pamahalaang Lokal.
Sa inisyatibong ito ni Mayor Nas Ona sa panahon ng pagbangon, mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa upang maiwasan ang paglaganap ng virus at mapanatiling malusog at ligtas ang Bayan ng Calaca.