Sunod-sunod ang paghagupit ng Bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses sa bayan ng Calaca. Dahil dito, maraming napinsalang kabuhayan at mga tahanan. Kaya naman namahagi ng Calamity Assistance ang Pamahalaang Lokal sa 344 na pamilya mula sa 36 na barangay na lubhang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo. Ang isinagawang pamamahagi noong Disyembre 4, 2020 na ginanap sa Calaca Central School at Calaca Senior High School ay pinangunahan ni Mayor Nas Ona kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at kaagapay ang Tanggapan ng Pambayang Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan sa pamumuno ni Gng. Maharani Babasa.
Sa pakikipag-ugnayan ng pamunuan sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor na pinamumunuan ni Gng. Alicia Cabrera, nakapamahagi rin noong araw na iyon ng tulong pinansyal sa mga mangingisdang natigil ang hanapbuhay buhat ng mga kalamidad na nagdaan. Samantala, noong Nobyembre 11, 2020 ay ipinamahagi naman ang tulong pinansyal para sa mga magsasakang lubhang napinsala ang mga pananim dahil sa mga nagdaang unos.
Paulit-ulit mang hagupitin ng hamon ng buhay, kaagapay ng bawat isang Calaqueño ang Pamahalaang Lokal sa matatag na pagharap sa mga ito.