Mabilis ang naging aksyon ng Pamahalaang Lokal ng Calaca para sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga Calaqueño.
Magmula noong ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong buwan ng Marso, umiiral ang 24-ORAS na CHECKPOINT sa bawat pasukan at labasan ng bawat barangay sa bayan ng Calaca na pinangasiwaan ng Sangguniang Barangay. Naglalayon ang hakbang na ito na malimitahan ang makakapasok sa bayan ng Calaca upang maprotektahan ang kalusugan ng mga residente.
Upang makontrol naman ang paggalaw at bilang ng tao sa mga pamilihan at ilan pang pampublikong lugar, nagtatag ng HOME QUARANTINE PASS kung saan isang tao lamang ang pinahihintulutang makalabas sa bawat bahay.
Sinimulan noong ika-22 ng Abril ang BARANGAY CODING alinsunod sa bagong direktiba mula sa Department of Interior and Local Government (DILG). Ang apatnapung (40) barangay sa bayan ng Calaca ay hinati sa pitong grupo base sa bilang ng household. Kada grupo ay may nakatalagang isang araw upang pumunta sa pamilihan sa loob ng isang linggo. Kinakailangan lamang dalhin ng awtorisadong tao ng bawat household ang kanyang valid ID at quarantine pass upang palampasin sa checkpoint. Ang iskedyul ng pagbubukas ng palengke ay tuwing alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Pinaalalahanan ng pamunuan na sundin ang social distancing at magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay at pupunta sa matataong lugar. Kalauna’y nagkaroon ng pagbabago sa barangay coding. Simula Nobyembre 2, 2020, maaari nang magtungo sa pamilihan ang mga residente kada barangay nang dalawang beses sa isang linggo.
Kaakibat ng mga panibagong alituntuning nabanggit ang pagkakaroon ng karampatang parusa sa mga lalabag nito. Ipinahayag ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na simula ika-21 ng Abril ay agad na huhulihin ng mga kapulisan ang sinumang lalabag sa mga alituntuning ipinatutupad habang nasa ilalim ng community quarantine ang bayan ng Calaca. Naniniwala ang mga namamahala na ang disiplina ang isa sa pangunahing sandata ng mga mamamayan sa panahong ito ng pandemya.
Walang patid ang pangangalaga ng Pamahalaang Lokal sa mga mamamayan ng Calaca kaya inatasan ang Engineering Department na magtayo ng DISINFECTION BOOTHS papasok at palabas ng palengke noong Marso 30 at dinagdagan pa ito noong ika-2 ng Abril. Ang bawat mamimili ay sasailalim sa disinfection bago pumasok at paglabas ng pamilihan.
Regular ding isinasagawa ang DISINFECTION sa ilang pampublikong lugar gaya ng mga eskwelahan, simbahan, munisipyo, at ilang lansangan ng iba’t-ibang barangay. Ang gawaing ito ay pinangunahan ng mga kawani mula sa Municipal Health Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Municipal Administrator Office.
Pinagkalooban naman ang 40 barangay sa bayan ng Calaca ng tig-iisang sprayer at alkohol na ipinamahagi ng barangay sa kanilang nasasakupan kasabay ng malawakang disinfection na isinasagawa ng Pamahalaang Lokal. Nagsagawa rin ng Clean Up Drive upang mapanatiling malinis ang bawat sulok ng barangay at maging ligtas ang bawat isa mula sa banta ng Covid19.
Ipinakita rin ng Pamahalaang Lokal sa tulong ng mga kawani ng Tanggapan ng Pambayang Kalusugan ang kanilang NASA LAKAS na suporta sa pamamahagi ng Personal Protective Equipment (PPE) Kits sa 40 Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga frontliners.
Mas pinaigting pa ang pag-iingat sa mga pangunahing entry points ng bayan ng Calaca nang magtayo ng RAPID ANTIBODY TESTING BOOTHS sa mga sumusunod na barangay: Tamayo, Sinisian, at Dacanlao noong Mayo 30. At dahil nasa ilalim na ng GCQ ang bayan ng Calaca, magandang balita ito para sa mga Calaqueñong na-istranded sa ibang lugar at nagnanais na umuwi. Sinimulan din ang VOLUNTARY RAPID ANTIBODY TESTING at SWAB TESTING o RT-PCR sa apatnapung barangay upang paunang masuri ang posibilidad ng COVID-19 na kumapit sa sistema ng mga mamamayan. Katuwang ng Pamahalaang Lokal ang Ospital ng Calaca sa pag-oorganisa ng mga rapid testing booths sa bawat barangay na bukas mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. Ang mga serbisyong ito ay libre para sa lahat ng Orange Card Holders at hinihikayat namang magproseso ng aplikasyon ang mga wala pang orange card upang mapakinabangan din nila ang libreng serbisyo. Dahil sa mga hakbang na ito, nahigitan ng bayan ng Calaca ang itinalagang bilang ng Department of Health (DOH) upang malaman ang kalagayan ng populasyon.
Sumailalim din sa testing ang mga manggagawa sa bayan ng Calaca upang mamonitor ang kanilang kalagayan at masiguradong ligtas silang makabalik sa trabaho.
Kung sakaling may makumpirmang positibo sa COVID-19 mula sa mga isinasagawang testing, nagsasagawa ng matinding CONTACT TRACING upang matunton ang mga posibleng nahawaan at maiwasang madamay pa ang ibang tao.
Para mapangalaaan nang maigi ang mga kapwa Calaqueñong nagpositibo sa coronavirus disease at ang mga indibidwal na maaaring mayroon nito ay may itinalagang tatlong (3) CENTRALIZED QUARANTINE AREAS na nakalagak sa De La Salle University Charles Huang Conference Center, Alvez Hotel, at pansamantala sa Pedro Paterno Elementary School. Ang lahat ng darating na Persons Under Monitoring (PUMs) ay inabisuhan ding manatili muna sa isa sa mga quarantine centers sa loob ng 14 na araw upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga babalikang pamilya. Binibigyan ng bitamina at masusustansyang pagkain ang mga namamalagi sa quarantine centers. Dahil sa pagkalinga at pagmamahal na patuloy na ipinamalas sa mga kaGawang nasa quarantine centers, kinilala bilang Temporary Treatment and Monitoring Facility for COVID-19 ng DOH – Center for Health Development CALABARZON ang La Salle Retreat House at Alvez Hotel noong Agosto 26, 2020.
Bukod sa mga nabanggit, naghatid din ang RHU Calaca ng Buntis Forum sa bawat barangay noong Nobyembre 18 hanggang Nobyembre 20. Layunin ng programa na matiyak na magkakaroon ng tamang impormasyon ang mga nanay kung paano pangangalagaan ang kanilang sarili at kanilang mga sanggol laban sa banta ng COVID19. Sadyang prayoridad ang kalusugan ng mga buntis na Calaqueño, mula pa noong Agosto ay maaari silang magpa-swab test o RT-PCR nang libre kung sila ay nasa ika-35 linggo na o pataas ng kanilang pagbubuntis.
Sinisigurado ng Punongbayan kaagapay ang Tanggapan ng Pambayang Kalusugan at mga health workers ng mga barangay na ang bawat GAWAin upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 ay pinagpaplanuhang mabuti at magiging isang solusyong pangmatagalan. Ang mga hakbang na nabanggit ay sumasalamin kung gaano pinahahalagahan ng Pamahalaang Lokal ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan ng Calaca. Sa pamamagitan ng mga ito ay naibsan kahit papano ang mga agam-agam ng mga Calaqueño at naipadama sa mga kababayang nagkaroon ng COVID-19 na may mga taong handang umalalay sa kanila .