Sumiklab ang sunog sa Balayan Distillery Inc. (BDI) sa Brgy. Talisay, Calaca, Batangas noong ganap na ika-5 ng hapon, Hulyo 4, 2020.
Agad na rumesponde ang mga kawani ng Calaca Fire Station at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office upang maapula ang apoy. Nagtungo rin kaagad si Mayor Nas Ona sa lugar upang makita ang sitwasyon.
Katuwang ng mga nabanggit na tanggapan ang SLTEC Responders, SPI Responders, Taal Fire Station, San Luis Fire Station at MDRRMO San Luis, Tuy Fire Station, Balayan Fire Station, Lemery Fire Station at MDRRMO Lemery, Lian Fire Station, Lipa City Fire Station, Batangas City Fire Station, Tanauan City Fire Station, at Regasco SOS sa pamamagitan ng suporta ni Congressman Arnel Ty.
Nagpadala rin ang Progreen Agricorp Inc. at Calaca Seaport (PHOENIX) ng karagdagang responders at Aqueous Film Forming Foam (AFFF) upang mas mapadali ang pag-apula ng sunog.
Kasabay nito ay inilikas ang mga residente ng naturang barangay sa Pedro Paterno Elementary School at Pedro Paterno National High School. Umalalay ang Calaca Municipal Police Station para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Samantala, pinagsaluhan naman ng mga inilikas at mga tumulong sa pag-apula ng sunog ang suportang ipinadala ng Jollibee Balayan at Calaca na siyang lubos na ipinagpasalamat ng Pamahalaang Lokal ng Calaca.
Matapos ang halos siyam na oras ay matagumpay na naapula ang sunog sa ganap 1:50 ng umaga, Hulyo 5, 2020.
Nakipagtulungan si Hepe Jonathan Malundas, pinuno ng BFP Calaca sa BDI upang masuri ang pinagmulan ng sunog at maiwasan na itong mangyaring muli.