May pandemya mang nararanasan ang buong mundo, likas pa rin sa ating mga Calaqueño ang taos pusong pagtulong.
Pinangunahan ng Tanggapan ng Pambayang Kalusugan na pinamunuan ni Dra. Sharon Ona ang Share Life, Give Blood: Blood Donation Program noong ika-2 ng Pebrero sa Barangay Dacanlao katuwang ang Batangas Provincial Council at Provincial Health Office.
Taos pusong pasasalamat naman ang hatid ng naturang Tanggapan sa lahat ng Calaqueño Blood Heroes mula sa iba’t ibang sektor sa tatlong barangay na unang pinagdausan ng naturang programa. Pinangunahan nina SK Federation President Lindzey Endozo at Kapitan Alejandro Luistro ng Brgy. Dacanlao, Kapitan Adelino Magpile ng Brgy. Puting Bato West, at Kapitana Jasmin Malabanan ang Blood Donation sa kani-kanilang nasasakupang barangay.
Nakiisa rin ang mga Barangay Officials at Functionaries, mga pribadong indibidwal, empleyado ng mga pribadong kompanya sa Brgy. Dacanlao at iba’t ibang organisasyon.
Malaki ang maitutulong ng aktibidad na tulad nito upang madagdagan ang supply ng dugo dito sa bansa, na lingid sa ating kaalaman ay unti unti nang bumababa dulot ng COVID19.
Patunay na may pandemya mang nararanasan, hindi pa rin mapipigilan ang mga pusong nais tumulong. Sabi nga ng doktora ng bayan, “Sa inyong dugong bigay, marami ang maisasalbang buhay”.