Bagamat sunod-sunod ang mga pagsubok at kalamidad na kinakaharap ng Munisipalidad, patuloy pa rin ang hangarin ni Mayor Nas Ona na mapanatiling buhay at masagana ang sektor ng agrikultura sa Bayan ng Calaca. Kaya’t sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultura na pinamumunuan ni Gng. Alicia Cabrera ay iba’t-ibang programa ang inilunsad upang makamit ang kanyang layunin.
Isa na rito ang pagpapatuloy ng pamimigay ng mga binhi sa pamamagitan ng proyektong One Barangay One Product, na naglalayong magkaroon ng kanya-kanyang produktong pagkakakilanlan ang bawat barangay sa bayan ng Calaca.
Kaugnay nito ay nakatanggap ang mga nakatalang barangay ng mga sumusunod na pananim:
Bambang – Guyabano, Cahil – Sweet Potato, Madalunot – Kalamansi. Tamayo – Siling Talbusin, Coral ni Bacal – Ampalaya, Dila – Sitao, Lumbang na Matanda – Saging, Munting Coral – Mani, Lumbang na Bata – Cassava Seedpieces, Niyugan – Papaya, Pantay – Chili, Loma – Langka Tree, Bisaya – Rambuntan Tree, Matipok, Balimbing, Pinagpalang Anak – Herbs (mint, rosemary, parsley, coriander, basil, taragon, oregano, dill, chives), Caluangan – Avocado, Madalunot – Kalamansi, at Timbain – Talong.
Upang mapagyaman ang mga ipinamahaging pananim ay nagbigay din ng sako-sakong complete fertilizers at organic fertilizers sa mga barangay na nabanggit. Bukod sa mga ito, nagtayo rin ang Pamahalaang Lokal ng karagdagang mga greenhouse para sa mga tanim na nangangailangan ng kakaibang kondisyon ng klima.
Hindi lamang pananim ang natanggap ng mga kababayang magsasaka sapagkat may nakakatulong na rin silang dalawang traktora sa pagbubukid. Isa rito ay ipinagkaloob ng Kagawaran ng Agrikultura (Region IV-A), samantalang ang isa naman ay mula sa Pamahalaang Lokal ng Calaca. Ang traktora ay maaaring hiramin ng mga Calaqueñong magsasaka upang mapadali ang pagsasaka ng kanilang mga lupain. Tanging krudo lamang na base sa sukat ng lupa ang kanilang babayaran sa mababang halaga.
Nakipag-ugnayan din ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultura sa Provet at Kagawaran ng Agrikultura (Rehiyon IV-A) at naipamahagi ang Sisiw Pangkabuhayan sa mga residente ng Brgy. Madalunot noong Hulyo 2, 2020. Ang bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng 50 sisiw, 10 sachet ng Vetracin Gold, 1 sako ng 25kg chick booster mash, 2 sako ng 25kg chick grower mash, at Php 2,000.00 tulong upang makapagtayo ng kulungan.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng mga Calaqueñong mangingisda sa mga natanggap nilang Fishing Supplies noong Nobyembre 18, 2020. Ang pamamahagi ng mga supplies tulad ng crystalline, tansi at mga kawil sa mga mangingisda ng Barangay Salong, Talisay at Sinisian ay ginanap sa Barangay Salong, samantalang ang para sa Barangay San Rafael, Quizumbing at Camastilisan ay ginanap sa Barangay Camastilisan. Dumalo at nagpaunlak rin ng kanyang mensahe sa nasabing programa si G. Eric Buhain.
Ang sipag ng bawat mamamayang Calaqueño ay pilit tinutumbasan ng suportang higit na makapag-papaganda ng kinabukasan ng ating mga kababayan ngayon at sa susunod pang henerasyon.