Nobyembre 1, 2020 ganap na alas 2 ng umaga nang itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang bayan ng Calaca. Kalauna’y itinaas ito sa TWCS No. 4 bandang 7:40 ng umaga bunsod ng patuloy na paglapit ni Bagyong Rolly sa rehiyon ng CALABARZON.
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga Calaqueño, maagang inilikas ang mga residenteng maaaring lubos na maaapektuhan ng bagyo kagaya ng mga naninirahan sa coastal areas. Sa pagtutulungan ng Emergency Response Teams at mga opisyales ng barangay, kaagad inilagak ang tinatayang 3,437 indibidwal sa labing-apat na paaralan na itinakdang evacuation centers. Ang mga evacuees ay mga residente ng Salong, Poblacion 4 at 5, Talisay, Puting Bato West, Camastilisan, Quizumbing, Dacanlao, San Rafael, Coral ni Lopez, Coral ni Bacal, Bisaya, Dila, at Calantas.
Kaagad ding isinaayos ng mga kawani ng LGU Calaca ang mga relief packs at agad na naipamahagi sa evacuees. Nagtungo rin sa mga evacuation centers ang mga kawani ng RHU Calaca sa pangunguna ni Dra. Sharon Ona upang tiyaking napapangalagaan ang kalusugan ng mga kababayang inilikas. Nagsagawa sila ng pagtingin ng temperatura at blood pressure. Gayundin ang pagbibigay ng naaayon na gamot sa mga nangangailangan nito.
Kinabukasan bandang alas 4 ng umaga, tanging ang Kanlurang bahagi na lamang ng lalawigan ng Batangas ang nakataas sa TCWS No. 1. Kaya naman nang umaga ring iyon ay inihatid nang muli ng mga kawani ng pamahalaang lokal at mga opisyales ng barangay sa kanilang mga tahanan ang mga Calaqueñong pansamantalang kinalinga sa mga evacuation centers.
Naitalang may isang nasawing residente ng Brgy. Coral ni Lopez na nalunod mula sa rumaragasang baha. Malaki ring halaga ang naging pinsala sa mga pananim matapos ang pananalasa ni Bagyong Rolly.