“Isang Bayan Isang Puso. Calaca ‘di tayo susuko. Umahon hinding-hindi uurong” ito ang awiting umalingawngaw sa apatnapung barangay ng bayan ng Calaca kasabay ng pamamahagi ng mga kawani ng Pamahalaang Lokal ng Pamaskong Handog mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 22, 2020.
Tunay ngang ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigayan. Mula sa 6,740 na piling residente, mga barangay officials, barangay functionaries, at mga senior citizens na nabigyan ng Pamaskong Handog noong nagdaang taon, bawat pamilyang Calaqueño na ang makakatanggap ng aginaldo mula sa lokal na pamahalaan.
Kinatok ang mga tahanan ng mga kaGawa at binigyan sila ng mapagsasaluhan para sa Noche Buena. Bukod dito, ay pinagkalooban din ang bawat pamilya ng panggastos para sa Bagong Taon na nagkakahalaga ng isang libong piso.
Iba man sa nakagawian ang paraan ng pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, tiniyak ng pamunuan sa pangunguna ni Mayor Nas Ona na makapagbibigay saya sila sa mga mamamayan ng Calaca. Hangad din ng Punumbayan na ang pagsilang ng Panginoon ay magsilbing Pasko ng Pagbangon na magpapaalab ng pag-asa sa puso ng bawat Calaqueño upang sa darating na taon ay may lakas sila ng loob na harapin ang panibagong bukas.