News

Home 5 Uncategorized 5 PAGPUTOK NG BULKANG TAAL
PAGPUTOK NG BULKANG TAAL

Enero 12, 2020 – itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa alert level 2 ang bulkang Taal bandang 2:30 ng hapon matapos itong magkaroon ng phreatic eruption. Hindi naglaon ay itinaas ito sa alert level 3 pagsapit ng alas-4 ng hapon dahil sa patuloy na pagtaas ng magma sa ibabaw ng lupa.

Bandang 7:30 ng gabi ay itinaas na sa alert level 4 ang bulkan na nagpapahiwatig na maaari itong magkaroon ng mapeligrong pagsabog sa loob ng ilang oras o ilang araw. Kaakibat nito ang pagbibigay ng direktiba na TOTAL LOCKDOWN at agarang pagpapalikas sa mga residente mula sa mga lugar na sakop ng 14-km radius mula sa bunganga ng bulkan. 

Kasabay nito ay buong pusong tinanggap ng Bayan ng Calaca sa pangunguna ng Ama ng Bayan, Mayor Nas C. Ona, kaagapay ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ang mga kapwa Batangueñong mula sa bayan ng Agoncillo, Laurel, Lemery, San Nicolas, Talisay at Taal na naghahanap ng pansamantalang masisilungan. Maghapon at magdamag nilang inasikaso ang pagtulong sa kabuuang 5,370  na indibidwal o 1,531 na pamilyang pansamantalang nanuluyan sa 14 evacuation centers at sa ilang residente ng bayan na kanilang kakilala o kapamilya. Patuloy din ang pakikiisa at pagtulong ng mga volunteers at ang pagdating ng mga donasyon mula sa mga Calaqueño, nasa ibang bansa, at iba pang mga grupo mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa pamamagitan naman ng mga patrol vehicles ng bawat barangay at mga sasakyan ng pamahalaang lokal, madaling nasundo ang mga inilikas at maluwalhating naipaabot ang lahat ng ayuda sa mga evacuees.

Sa pamumuno ni Gng. Maharani Babasa, ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ay nanguna sa pagsasaayos ng evacuation operations. Sila ang nagtalaga ng mabilis na paglagak sa maayos, ligtas at hindi siksikang pansamantalang tinuluyan ng mga inilikas. Sinigurado ng mga nasabing kawani ang maayos na pagtatala ng mga evacuees at mabilis na pagbabahagi ng mga donasyon mula sa Pamahalaang Lokal ng Calaca at sa pribadong sektor.

Walang humpay din ang pagresponde ng BFP Calaca, kasama ang mga Fire Brigade Volunteers sa pangunguna ni Fire Marshall SINSP Jonathan Malundas, at dagdag pwersa ng BFP Quezon province. Sila ang kaagapay ng Lokal na Pamahalaan sa mabilis na paglilikas sa mga kababayang lubhang naapektuhan ng pagputok ng bulkan, paghahatid ng tubig at pagkain at pagsisigurado ng kaligtasan ng lahat. Magkatuwang din na nagsagawa ng Clean Up Drive ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at BFP sa paglilinis ng mga daan at mga evacuation centers sa Bayan ng Calaca.

Matapos ang halos dalawang linggo ng pagkabalisa ay ibinababa ng PHIVOLCS sa alert level 3 ang bulkan noong Enero 26, 2020. Dahil dito, nagsimula nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan ang ilan sa mga pamilyang kinupkop ng bayan ng Calaca. Samantalang ibinaba ang bulkan sa alert level 2 noong ika-14 ng Pebrero. Naitalang hanggang sa kasalakuyan ay nasa Alert level 1 ang bulkan magmula noong Marso 19, 2020.

Upcoming Events

Tags

Tags:
Share Article

More News

No Results Found

The page you requested could not be found. Try refining your search, or use the navigation above to locate the post.

Social media & sharing icons powered by UltimatelySocial