Muling napatunayan ng mga Calaqueño ang kanilang pananampalataya at pagkakaisa sa naganap na pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Santo San Rafael Arkanghel.
Upang simulan ang taunang pagdiriwang, nakiisa ang karamihan sa mga Calaqueño noong ika-15 ng Oktubre sa Caracol de San Rafael Arkanghel, isang prusisyon upang ihatid ang imahe ng Poon mula sa Dambana at Arkidiyosesis ni San Rafael Arkanghel patungong Barangay Salong. Ang naturang barangay ang nagsilbing punong-abala sa pagdaraos ng okasyon.
Pinangunahan ni Fr. Joseph Mendoza ang misa sa barangay na sinundan ng prusisyon. Lulan ng mga pinalamutiang bangka ang imahe ng Poong Santo San Rafael at ang mga deboto habang binabaybay ang karagatang nasasakupan ng Calaca.
Ipinagpatuloy ang pagdiriwang noong Oktubre 21 sa ginanap na Sangguniang Kabataan Day sa pangunguna ni SK Federation President Lindzey B. Endozo, katuwang ang Tanggapan ng Pambayang Kagalingan Panlipunan, Paglilingkod at Pagpapaunlad. Itinampok sa aktibidad na ito ang mga makukulay at makikinang na kasuotang gawa sa mga recyclable materials na iginuhit at binuo ng samahan ng LGBT kaagapay ng kani-kanilang mga SK Chairman. Itinanghal bilang TRASHIONISTA 2019 si Mark Kenneville Brosoto (Brgy. Makina), samantalang nakamit ni Daniel Corbito (Brgy. Camastilisan) ang unang pwesto at Kim Ocampo (Brgy. Poblacion 2) ang pangalawang pwesto.
Kinagabihan, nagpamalas ng angking talento ang mga katandaan mula sa iba’t ibang barangay sa pagdiriwang ng Senior Citizens’ Night. Pinangunahan ito ni OSCA HEAD Ruperto P. Noche, Jr. katuwang ang Tanggapan ng Pambayang Kagalingan Panlipunan, Paglilingkod at Pagpapaunlad.
Noong sumunod na araw, idinaos ng Tanggapan ng Agrikultura ang Da Dog Show (A Dog Exhibition) na nilahukan ng mga Calaqueñong pet owners. Ito ay upang itanghal ang kanilang mga aso na may iba’t ibang lahi at isulong ang responsableng pag-aalaga ng hayop.
Upang mabawasan ang unemployment rate sa Bayan ng Calaca, nakipag–ugnayan naman ang Tanggapan ng Human Resource Management sa Department of Labor and Employment para maisagawa ang Job Fair. Ginanap ito sa Municipal Gymnasium na dinaluhan ng mga ilang pribadong kompanya sa lalawigan ng Batangas, mga kompanya na nagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, at ilang ahensya ng gobyerno tulad ng SSS at Philhealth.
Nabigyang kasiyahan ng mga namumuno sa anim na barangay sa poblasyon ang mga Calaqueño sa ginanap ng POBLACION NIGHT. Ang kasiyahan ay puno ng kantahan mula sa mga bokalista ng bandang Boyfriends at Sampaguita.
“Tugtog, Indak at Martsa: Pistang Kay Saya!” sigaw ng bawat batang Calaqueñong nagpakitang gilas sa pag indak at pagtugtog ng mga instrumento mula sa iba’t ibang paaralang elementarya at sekundarya noong ika-23 ng Oktubre na pinangunahan ng Tanggapan ng Administrador. Hindi nagtapos ang kasiyahan noong araw na iyon sapagkat itinanghal din ng mga paaralan ang kanilang inihandang piyesa na may kaugnayan sa Bayan ng Calaca sa ginanap na TALENTO NG CALAQUEÑO SA LARANGAN NG MUSIKA.
Tuloy-tuloy pa rin ang kantahan at sayawan pagsapit ng gabi. Idinaos ang B-MEG Night, isang musical variety show na dinaluhan ng ilang sikat na artista gaya nina Gab Lagman (kilala bilang Gio sa teleseryeng “Halik”), Rachel Gabreza (TNT Diva) at HASHTAG Rayt (mula sa It’s Showtime).
Pagsapit ng Oktubre 24, sinimulan ang kapistahan ni Santo San Rafael Arkanghel sa pamamagitan ng banal na Misa Konselebrada. Ito ay pinangunahan ng Punong tagapagdiwang Most Rev. Gilbert A. Garcera, D.D. at Rev. Fr. Joseph P. Mendoza kasama ang Ama ng Bayan Mayor Nas C. Ona, Jr. at ang kanyang butihing maybahay, Dra. Marjolyne Sharon V. Ona bilang Hermano Mayor. Nagsama-sama ang mga deboto ng bawat barangay ng Calaca sa pagdaraos ng prusisyon para sa karangalan ng Mahal na Patron. Pagkagat naman ng dilim, nasaksihan ang iba’t ibang kulay sa kalangitan nang ganapin ang fireworks display sa harapan ng simbahan.
Sa pagtatapos ng selebrasyon ng kapistahan ng ating mahal na Poong Santo San Rafael, isang POWER NIGHT ang natunghayan ng mga Calaqueño. Nagtanghal ang mga bandang 3D2N, BINARY kasama si Chloe Redondo (mula sa The Voice Teens) at Up Dharma Down na kinagiliwan ng lahat ng manonood. Lubos rin ang kasiyahan ng bawat isa nang magtanghal si KZ Tandingan sa entablado bago matapos ang pagdiriwang.
Talaga namang hindi matatawaran ang ipinamalas na pagkakaisa at taos-pusong pagsuporta ng mga Calaqueño sa selebrasyon ng kapistahan ng Santo San Rafael Arkanghel.