Sa paggunita ng Buwan ng Kababaihan sa taong 2020, isang makahulugang pagdiriwang ang isinagawa noong buwan ng Marso na nagbigay-diin sa suporta ng Lokal na Pamahalaan tungo sa pagkakapantay-pantay sa lipunan. Upang ipagdiwang ang buwang ito, naghanda ng iba’t ibang programa ang Kababaihan ng Calaca sa pamumuno ng Municipal Women’s Coordinating Council (MWCC). Ang Buwan ng Kababaihan din ay magandang pagkakataon upang bigyang pagkilala ang mga Pilipina sapagkat malayo na ang kanilang narating at naitulong sa pag-angat ng ating lipunan. Lahat ng sektor sa ating lipunan ay may mga kababaihang ang galing ay naging malaking sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan at komunidad.
Bilang pagbibigay-pugay sa mga kababaihan sa Calaca at sa kanilang mga karapatan, naghanda ng programa ang MWCC kung saan naging panauhing pandangal si Batangas City Mayor Beverly Dimacuha na nagbigay inspirasyon sa mga kababaihang dumalo. Tampok din sa programa ang celebrity guest na si Jayson Dy na napahanga ang lahat sa kanyang pag awit.
Bahagi ng pagdiriwang ang pamamahagi ng livelihood assistance sa grupo ng mga kababaihan sa bawat barangay. Ang pondo na ipinapahiram na nagmula sa Pamahalaang Lokal ay maaaring maging panimula sa kanilang mga napiling proyekto. Ito ay may kaukulang maliit na interes na maaaring bayaran sa loob ng isang taon. Maaaring hiramin ulit ang pondo at madagdagan pa, depende sa kinikita ng proyekto.
Maraming inihandang aktibidades para sa kababaihan bilang bahagi ng pagdiriwang ngunit hindi na naisagawa bunsod ng panganib na bitbit ng pandemya.
Tunay na hindi matatawaran ang papel ng kababaihan sa lipunan. Ika nga ng ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal, ang babae ang naghahanda sa isip ng isang bata sa kabutihan, pagmamahal sa karangalan, mabuting asal, pag-ibig sa kapwa at pananampalataya sa Diyos.