Pinangunahan ng Bureau of Fire Protection Calaca (BFP Calaca) sa pamumuno ni Sr. Fire Inspector Jonathan A. Malundas ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month na may temang “Matuto ka, Sunog Iwasan na.”
Bilang panimula sa pagdiriwang, nagsagawa ng Mayor Nas C. Ona, Jr. Art Contest ang BFP Calaca katuwang ang Calaca Central School noong Pebrero 28, 2020. Ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa mga paaralang elementarya at sekundarya sa bayan ng Calaca ang kanilang talento sa pagguhit at pagkuha ng mga litrato. Layunin ng patimpalak na sa pamamagitan ng mga litrato at mga iginuhit ng mga mag-aaral ay mabigyang-diin ang iba’t-ibang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.
Bahagi rin ng paggunita sa Fire Prevention Month ang isinagawang Unity Walk at Motorcade ng BFP Calaca, katuwang ang MDRRMO, PNP, TMG, at Calaca Fire Brigade. Nakiisa sa aktibidad na ito ang mga locators at mga mag-aaral at guro mula sa iba’t-ibang paaralan sa bayan.
Sinundan ang parada ng isang programa sa Calaca Municipal Gymnasium upang kilalanin ang mga nakiisa sa pagdiriwang. Nagkaroon din ng demonstrasyon ukol sa wastong paggamit ng fire extinguisher.
Ang pagkakaroon ng sunog ay hindi natin masasabi kung kailan mangyayari kaya’t mainam na mayroong sapat na kaalaman ang bawat isa tungkol sa fire safety.