Ang kalusugan ng mga Calaqueño ay prayoridad ng Pamahalaang Lokal ng Calaca sa anumang pagkakataon.
Isinagawa ng apat na grupo ng Tanggapan ng Pambayang Kalusugan kaagapay ang DOH, PDOHO, PHO at Barangay Health Emergency Response Teams ang unang Immunization schedule para sa taong 2020 noong Abril 22 hanggang Mayo 20. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng National Immunization Program na nakatakdang isagawa apat na beses sa isang taon.
Ilan sa mga serbisyong hatid ng programa sa bawat barangay ay ang libreng turok para sa edad 0 hanggang 24 na buwang sanggol tulad ng BCG, PENTA, Oral Polio, Inactivated Polio Vaccine -IPV, Pneumoccoal Conjugate Vaccine-PCV at Measles Mump Rubella-MMR. Mahigpit na ipinagbilin ang pagdadala ng Immunization Card sa mga magulang upang matukoy ang mga bakunang natanggap na ang kanilang mga anak.
Sinundan ang unang Immunization schedule noong Setyembre 2 hanggang Oktubre 14 kung saan nadagdagan ang dating mga libreng bakuna na para lamang sa mga batang may edad 0-24 na buwan ng Tetanus Toxoid na para naman sa mga buntis. Bukod dito, maaari ring sumailalim ang mga bata sa Purified Protein Derivative (PPD) Testing tuwing Lunes o Martes kung pupunta sila sa tanggapan ng RHU.
Sa isinagawang ikatlong Immunization schedule noong Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 25, maaari nang sumailalim sa PPD Testing sa kani-kanilang barangay ang ilang batang Calaqueño. Kasabay nito ang patuloy na pagbibigay ng libreng serbisyo tulad ng sa mga nagdaang Immunization schedule.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga Lunas Kalusugan / Barangay Health Worker ng bawat barangay, naisasagawa nang maayos ang mga nakatakdang Immunization. Mahigpit pa ring ipinatupad ang social distancing at pagsuot ng face mask ng mga magulang sa mga nabanggit na iskedyul.