Muling inilunsad ang proyektong NASA Barangay, Serbisyong Lumalapit sa Tao sa iba’t ibang barangay sa Bayan ng Calaca sa pangunguna ni Mayor Nas C. Ona Jr., kasama ang Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Renante Macalindong, bitbit ang iba’t ibang serbisyo mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Handog ng Tanggapan ng Pambayang Kalusugan ang libreng konsultasyon, fluoride distribution at libreng bunot ng ngipin, ilang laboratory tests tulad ng Urinalysis, Fecalysis, CBC at ECG, libreng mga gamot at bitamina, libreng tuli, at pagbibigay ng Member Data Record o MDR mula sa Philhealth.
Pagtanggap naman ng bayad sa sedula, buwis ng lupa, bayad sa inspeksyon ng mga piggery at laboratory fees ang serbisyong ibinigay ng Tanggapan ng Pambayang Ingat-yaman.
Mula sa Tanggapan ng Agrikultura ang pamamahagi ng butong gulay na pananim, libreng bakuna sa biik, libreng mga gamot at bitamina sa hayop, pamurga sa hayop at disinfectant. Kasama din sa mga serbisyong ibinigay ang pagpapaliwanag at pagtulong sa pagkakaroon ng insurance para sa may mga poultry at piggery, pananim, life and accident insurance para sa mga magsasaka at mangingisda at para sa mga bangkang de motor sa mga barangay na nasa baybaying dagat.
Bitbit naman ng Tanggapan ng Pambayang Kagalingan Panlipunan, Paglilingkod at Pagpapaunlad ang libreng masahe, gupit at linis ng kuko para sa mga kababaihan at kalalakihan, libreng pagkain para mga batang edad 7 taon pababa, mga libreng serbisyo para sa mga matatanda o Senior Citizens at may kapansanan, libreng konsultasyon upang magkaroon ng Orange Card, pagpapatala ng Solo Parent at mga nais magkaroon ng TESDA training, at aplikasyon para sa mga Out of School Youth.
Inilapit na rin sa mga mamamayan sa barangay ang pagpaparehistro ng kapanganakan (napapanahon at mga naantala), pagsasaayos ng mga maling detalye sa birth certificate, kasalan sa barangay, PSA application, out of town registration, pagtanggap ng mga request para sa birth certificate, death certificate at CENOMAR, pagpo-proseso ng usaping legal tulad ng affidavit to use the surname of the father at admission of paternity, at konsultasyon hinggil sa pagtatama ng mga naging tala sa mga dokumentong sibil. Ang mga serbisyong ito ay pinangunahan ng Tanggapan ng Taga-talang Sibil.
Hatid naman sa barangay ng PNP Calaca ang pagproseso ng police clearance at pagsasagawa ng Information Education Campaign tungkol sa Barangay Court at Barangay Tanod.
Hindi pahuhuli ang handog ng Tanggapan ng Pambayang Kabatiran sa kanilang Videoke Challenge para sa mga dumalo sa barangay na nagkaroon ng 3 kategorya, 12 taon pababa, 13 taon pataas at Senior Citizens.
Lubos ang pasasalamat na natanggap ng Pamahalaang Lokal ng Calaca mula sa mga mamamayan sa pagtungo sa kani kanilang barangay para sa mga serbisyong nabanggit.