Sa kabila ng pag-ulang dala ni Bagyong Ineng, matagumpay na naisagawa ang District Sports and Athletic Meet 2019 noong Agosto 27 hanggang 29 sa Calaca Sports Complex na pinangunahan ng DepEd Calaca kaagapay ang Pamahalaang Lokal.
Ang Palarong Pandistrito na may temang “Sulong Calaqueño, Tagumpay sa Isports, Kamtin natin ito” ay sinimulan sa pamamagitan ng isang parada kung saan napuno ang Sports Complex ng iba’t-ibang kulay mula sa mga uniporme ng mga manlalaro ng bawat paaralan at kani-kanilang mga coach at school band. Hindi rin nagpahuli ang mga naggagandahang mga muse na taas-noong kumatawan sa kanilang mga kapwa atleta at eskuwelahan.
Kasabay ng pormal na pagbubukas ng District Meet, ay isinigawa sa kauna-unahang pagkakataon ang Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Bayan ng Calaca sa pangunguna ni Mayor Nas C. Ona, Jr. sa Calaca Sports Complex.
Matapos ang parada, isinigawa ang Opening Ceremony kung saan nagbigay ng mensahe si District Supervisor Dr. Anabel Marasigan para sa mga manlalaro. Pinaalalahanan niya ang mga ito na hindi ang pagkapanalo ang pinakamahalagang bahagi ng kanilang karanasan sa Palarong Pandistrito bagkus ay ang naging bahagi sila nito.
Sumunod namang naghayag ng kanyang mensahe ay ang Punongbayan. Binigyan diin niya ang importansya ng disiplina. Aniya, “Sayang ang lakas kung hindi gagamitin ng tama. Ituring na ito ang pinakahuling laro ng buhay. Magkaroon ng disiplina at pagbutihin ang laro.”
Sa pagtatapos ng Opening Ceremony, pinangunahan ni Amiel Sumadsad, ASEAN School Games Participant kasama ang iba pang manlalaro ng Palarong Pambansa ang pag-iilaw ng sulo.
Bakas sa mga mukha ng mga atleta maging sa mga school head ang kanilang pananabik nang ideklara ang pormal na pagbubukas ng Palaro.