Likas sa mga Pilipino ang maging masayahin. Marami man ang pinagdaanang pagsubok o trahedya, hindi pa rin mapigilan ang ngumiti o magsaya. Sa pag-alburoto ng Bulkang Taal, pansamantalang nanuluyan ang ating mga kababayang nagsilikas mula sa mga karatig bayan na malapit sa bulkan. Sa kabila ng pinagdaraanan, hindi pa rin pinalampas ng ating mga kababayan ang makiisa sa mga aktibidades na pinangunahan ng mga namamahala sa mga evacuation centers sa Bayan ng Calaca. Ito ay upang kahit sa maliit na paraan ay maibsan ang pagkainip at kalungkutan ng ating mga kababayan habang malayo sa kanilang mga tahanan.
Masayang idinaos sa Calaca Senior High School at Lumbang Calzada Elementary School ang Barako Gay Evacuee na ang mga naging papremyo ay mula sa donasyon ng iba’t ibang indibidwal. Nagkaroon din ng Search for Mr. and Ms. Taal Volcano Survivor 2020 sa Puting Bato West Elementary School na nilahukan ng mga evacuees mula sa bayan ng Lemery, San Nicolas, Agoncillo at Laurel gamit ang mga makukulay na damit at kumot na galing sa donasyon bilang kanilang kasuotan. Nagsama sama rin ang mga Volunteers, NGO’s, DepEd at iba’t ibang ahensya upang makiisa sa pagbibigay ng libreng gupit sa mga evacuees. Nagsagawa rin ng Story Telling with the kids, Kid’s night, Zumba Dance Session, Mr. Pogi Evacuee, The Voice of Evacuees: Videoke Challenge, One- Night Basketball League at pa-raffle sa iba’t ibang evacuation centers. Samantala, matapos mabigyang pahintulot na makabalik sa kanila-kanilang tahanan ang mga evacuees na kinakalinga sa Calaca Central School, ay muling nagkaroon ng pagsasama-sama sa huling gabi ng kanilang pagtigil dito. Ito ay upang saksihan at pakinggan ang magagandang awiting handog sa kanila ng bandang binubuo ng mga Calaqueño volunteers.
Hindi mawawala ang pagdiriwang ng banal na misa sa iba’t ibang evacuation centers, na naging daan upang patatagin ng ating mga evacuees ang kanilang aspetong ispiritwal, magkaroon ng panatag na kalooban at ilapit sa Panginoon ang lahat ng kanilang mga agam-agam. Patuloy na ipinaalaala sa mga ginanap na misa ang walang hanggang pagmamahal ng Panginoon sa kanyang mga nilikha sa kabila ng maraming hirap na dinaranas dulot ng pagputok ng bulkan.