Pinangasiwaan ng Tanggapan ng Pagtulong at Pagpapaunlad ng Komunidad na pinamumunuan ni Gng. Marilou C. Tapia ang pagtataguyod ng mga livelihood programs sa mga barangay ng bayan ng Calaca. Sa pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing miyembro ng bawat asosasyon sa mga barangay, unti-unting naisakatuparan ang iba’t-ibang programang naaayon sa lokasyon at mapagkukunan ng barangay at adhikain ng mga residente.
Isa sa mga unang naaprubahan ang panukala mula sa Farmers’ Association ng Brgy. Bambang kung saan labinlimang mga miyembro ang unang nabigyan ng mga sisiw noong Hulyo 2, 2020. Isinaad ni Gng. Tapia na walong beses pagkakalooban ng tulong ang mga piling residente at sampung bahagdan ng kanilang kikitain mula sa pag-popoultry ay ibibigay sa asosasyon. Kamakailan ay nakatanggap din ng kabuuang 2,000 na sisiw ang dalawampung miyembro ng Lumbang na Matanda Farmer’s Association noong Disyembre 2019. Sa pamamayagpag ng programa ay nadagdagan ng walo pang residente ang nakikinabang mula dito. Nagbibigay tulong din ang Tanggapan ng Pagtulong at Pagpapaunlad ng Komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang payo ukol sa bookkeeping at pamamahala ng takbo ng kabuhayan.
Sa pagpapatuloy ng mga proyekto para sa mga barangay, inilunsad noong Disyembre 9, 2020 ang NASA Tiyaga: Kabuhayang Mag-aangat sa Calaqueño. Buo ang suporta ng Pamahalaang Lokal sa Programang Pangkabuhayan ng Brgy. Balimbing, Pinagpalang Anak, North Sinisian at Quizumbing. Ipinamahagi ang livelihood assistance sa mga nabanggit na barangay na pinangunahan ni Mayor Nas Ona Jr., kaagapay ang Tanggapan ng Pagtulong at Pagpapaunlad ng Komunidad sa pamumuno ni Gng. Malou Tapia.
Malaking tulong ang assistance na ito upang sa gitna ng pandemya ay maibsan ang kahirapan ng ating mga #kaGawa. Maaari nang simulan ng samahan ng mga kababaihan ang Dried Fish Processing Project sa Brgy. Quizumbing, Bigasan Project sa Brgy. Balimbing at North Sinisian at Bigasan Project din ng Kaisahan ng mga Mamamayan sa Brgy. Pinagpalang Anak.
Patuloy ang ginagawang pag-oorganisa ng mga barangay at pakikipag-ugnayan sa nasabing tanggapan upang maipatupad na rin ang kani-kanilang mga pinaplanong programa. Ibinahagi ni Gng. Tapia na tinatayang nasa 26 barangay na ang nagpoproseso ng kanilang aplikasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) para makilala ang kanilang mga binuong asosasyon. Habang naghihintay, nagtayo ang mga asosasyon mula sa Brgy. Dila at Caluangan ng mga tindahan ng mga kagamitang pang-agrikultura o dry goods upang mailapit sa kanilang mga kabarangay ang kanilang pangangailangan.