Ang pamilya ang pinakamaliit na sangay ng lipunan. Sangay kung saan nagmumula ang pagmamahalan at matibay na samahan ng bawat isa. Hindi maikakaila na naging mas matatag ang samahan ng bawat pamilya buhat ng pandemyang ating nararanasan. Nagkaroon ng mas maraming oras ang kada miyembro ng pamilya para sa isa’t isa. Naging mas matatag ang pagmamahalan, suporta at pag uunawaan sa loob ng isang pamilya.
Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, nagkaroon ng patimpalak ang Pamahalaang Lokal sa pamumuno ni Mayor Nas Ona bilang pagpapahalaga sa pamilyang Calaqueño. Tinawag ang patimpalak na Labidabi Fambam kung saan inilabas ang mga panuntunan at kinakailangang sa araw mismo ng mga Puso. Sa paraang ito, naipakita na sa social media ang magandang larawan ng pamilya, maaari pang magwagi ng papremyo na pwede nilang gamitin sa pagsasalu salo.
Pumili ang Pamahalaang Lokal ng labing apat (14) na pamilyang nauna sa patimpalak at ginawa ang mga panuntunan ng tama. Sinundan naman ito ng paggawad ng premyo noong ika-23 ng Pebrero.
Sa anumang panahon, pamilya ang ating sandigan at laging maaasahan. Pamilya kung saan maaari ring mabalangkas ang isang pamahalaan. At tulad ng isang pamilya, kasama ng sambayanang Calaqueño ang Pamahalaang Lokal ng Calaca sa pagbangon ng may pag ibig, suporta at pagpapahalaga sa bawat isang kapamilya.