Pinangunahan ng Tanggapan ng Pambayang Pangkalusugan, sa pamumuno ni Dra. Marjolyne Sharon Ona katuwang ang Batangas Provincial Blood Council at Philippine National Red Cross-Batangas ang Blood Olympics na ginanap noong Pebrero 20, 2020 sa Calaca Municipal Gymnasium.
Naitalang 322 Calaqueño ang nakibahagi bilang blood donors sa isinagawang bloodletting. Ang unang 300 donors ay nakatanggap ng libreng t-shirt at pagkain. Samantalang pinagkalooban ng accident insurance ang unang 100 donors na maaaring magamit sa loob ng isang taon.
Kaugnay sa walang sawang pakikiisa ng mga Calaqueño sa mga Blood Donation Activity, nakabilang ang Calaca sa mga nangungunang bayan sa Blood Donation Program. Mula sa tatlumpu’t isang bayan sa lalawigan ng Batangas ay nakamit ng bayan ng Calaca ang ika-anim na puwesto sa ginanap na Sandugo Award 2020 noong Setyembre 30, 2020. Naitalang nakuha ng bayan ang 105 bahagdan ng kabuuan nitong target noong 2019.
Tatlong taon nang kinikilala ang kabayanihan ng mga mamamayan ng Calaca. Dahil sa dugong kanilang ibinigay, maraming buhay na ang kanilang nadurugtungan.