News

Home 5 Uncategorized 5 IKA-17 KASALANG BAYAN: POWER OF TWO – LOVE IN THE TIME OF COVID
IKA-17 KASALANG BAYAN: POWER OF TWO – LOVE IN THE TIME OF COVID

“I may be your lover, your best friend or your enemy sometimes, but I promise that I will be your number one supporter and a good listener. Susuportahan kita sa lahat ng plano at pangarap mo para sa amin. Sabay nating aabutin lahat ng pangarap natin nang magkasama. Tatawa ako kasabay mo at dadamayan kita sa kalungkutan mo, at mamahalin kita araw-araw.” Hindi ba’t kaysarap pakinggan ng pangako ni Krystel Gayle Macalindong sa kabiyak ng kanyang puso na si Mervin Garcia sa kanilang kasal? Kabilang ang mag-asawa sa dalawampu’t limang (25) pares na nag-iisang dibdib sa ginanap na ika-labimpitong Kasalang Bayan noong Araw ng mga Puso, Pebrero 14, 2021 sa Calaca Municipal Gymnasium.

Iba’t-iba man ang pagpapahalaga ng bawat tao sa pagpapakasal, para sa karamihan ay isa itong makabuluhang tagpo sa buhay ng magkasintahan. Kaya nama’y isang karangalan para sa  Pamahalaang Lokal ng Calaca na maging kaagapay upang mabigyan ng basbas ang pagsasama  ng mga Calaqueñong magsing-irog. Pinangunahan ng Ama ng Bayan ng Calaca Mayor Nas C. Ona, Jr. ang pagbabasbas sa pagmamahalan ng mga bagong kasal. Katuwang niya ang Municipal Civil Registrar Office na pinamumunuan ni Gng. Maricris Delos Reyes, si Executive Assistant Rene Avendaño, at ang Municipal Information Office sa pamumuno ni G. Robenson Sale.

Bungad ng Punumbayan sa kanyang mensahe, “Failing to plan is planning to fail.” Aniya, maaga pa lamang ay kailangan nang pagplanuhan ng mag-asawa ang kinabukasan ng kanilang pamilya. Binigyan diin din niya ang kahalagahan ng pagiging masinop at pagiging mabuting ehemplo para sa mga anak at magiging anak pa. Hangad din niya na patuloy na tumibay ang pagmamahalan ng mga magsing-irog at labinlimang taon mula ngayon ay magkaroon sila ng mga anak na nakapagtapos ng pag-aaral at matagumpay.

Nakiisa rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Rante Macalindong, mga pinuno ng ilang departamento at piling kawani ng Pamahalaang Lokal sa pagdiriwang ng Kasalang Bayan. Samantala, mas lalo namang ipinadama nina Bb. April Jamilenn Catibog at G. Jay Graves Banuelos ang tamis ng pagmamahal mula sa mga inihandog nilang mga awitin para sa mga bagong kasal.

Hindi hadlang ang hamon na dala ng pandemya upang kilalanin bilang iisa ang dalawampu’t limang pares na handa nang simulan ang buhay mag-asawa. Nawa’y ang kanilang pagmamahalan ay magbigay ng pag-asang sa gitna man ng unos, matatanaw din ang liwanag. Mabigat man ang pasanin ngayon, ang paniniwalang gagaan ito at makakayanan ay hindi dapat matinag. Patuloy na magiging kasama ng bawat Calaqueño ang Lokal na Pamahalaan sa kanilang pagbangon at pagsulong sapagkat kailanman ay hinding-hindi sila uurong.

Upcoming Events

Tags

Tags:
Share Article

More News

No Results Found

The page you requested could not be found. Try refining your search, or use the navigation above to locate the post.

Social media & sharing icons powered by UltimatelySocial