“Failing to plan is planning to fail” ito ang mga katagang binitiwan ni Bb. Quennie Malleon, DILG Laguna Cluster Head at inimbitahang Resource Speaker, sa pagdidiin niya ng kahalagahan ng Executive-Legislative Agenda na ginanap noong Hulyo 17-20, 2019 sa The Manor Camp John Hay Convention Center, Baguio City.
Dinaluhan ang naturang aktibidad ni Mayor Nas Ona, mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Renante Macalindong, at mga pinuno ng iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Lokal ng Calaca.
Nabanggit din ni Bb. Malleon na ang pagsasagawa ng ELA ay hindi lamang pagtupad sa inaasahan ng DILG kundi ang pagbalangkas din ng mga plano at programa para sa pamahalaang lokal. Kasunod ng mga planong ito ay ang unti-unting pagsasakatuparan ng mga inilatag na proyekto.
Bago ihain ng mga bagong halal na opisyal ang kani-kanilang mga plano, inihayag muna nila kasama ang iba pang dumalo ang kanilang mga inaasahan para sa bayan ng Calaca sa susunod na tatlong taon. Binalikan din ng kinatawan ng Municipal Local Government Operations na si Bb. Leslie Ann Recto ang resulta ng 2018 Government Assessment Report na kung saan nakakuha ng 81.06% (marka ng pagpasa: 60%)na marka ang bayan ng Calaca.
Nagkaroon ng paghahati-hati ng grupo upang talakayin ang 5 kategorya: usaping panlipunan, ekonomiya, kalikasan, suportang pisikal at institusyonal. Upang tapusin ang unang araw ay inulit ni Ms. Anabel Marasigan ang mga tinalakay noong araw na iyon.
Sinimulan ni Mayor Nas Ona ang ikalawang araw ng ELA sa paglalatag ng kanyang mga plataporma ng pamamahala. Walang pinalampas na sektor ang Punongbayan at naghayag siya ng kanyang mga plano sa bawat isa sa mga ito: (1)disiplina, (2)imprastraktura, (3)kalusugan, (4)edukasyon, (5)seguridad, kapayapaan, at kaayusan, at (6)human resources. Ibinahagi rin niya ang kanyang adhikaing magtalaga ng mga bagong tanggapan – Municipal Tourism Office, Municipal Assistance and Community Development, at Information and Communications Technology.
Bago matapos ang araw ay binalikan ng mga dumalo ang Vision and Mission Statement, mga layunin, at mga istratehiya ng lokal na pamahalaan. Ang paglalagom ng mga tinalakay sa buong araw ay isinagawa ni Ms. Patti Margaret Casas.
Pagsapit ng ikatlong araw ng ELA, nagbalangkas ang mga dumalo ng bagong Vision and Mission Statement, layunin at istratehiya ng pamamahala para sa taong 2019-2022. Habang isinasagawa ito, iminungkahi ni Bb. Malleon na mainam na isaisip ng mga pinuno ang mga sumusunod: malasakit, pagbabago, at patuloy na pag-unlad upang mas maging epektibo ang kanilang mga plano.
Isinaad din ni Vice Mayor Renante Macalindong ang Legislative Agenda ng Sangguniang Bayan para sa susunod na tatlong taon ng kanilang pamamahala.
Ani nga ni Bb. Malleon, mahirap mang gawin ang unang hakbang, ang isang malayong lakbayin ay magsisimula pa rin dito kaya mainam na humakbang sa tamang direksyon. Naging wasto at makabuluhan ang naging unang hakbang ng mga pinuno ng Lokal na Pamahalaan ng Calaca sa paglalaan ng apat na araw upang mapagplanuhan ang mga proyekto at adhikain para sa bayan. Ang gawaing ito ang maglalapit sa kanila sa pagsasakatuparan ng kanilang layuning maging mas progresibo, mapayapa, at matatag ang bayan ng Calaca.