Sa pagbubukas ng taong panuruan 2020 – 2021 sa panahon ng pandemya, ibang pamamaraan ng pag aaral ang ipinatupad bunsod ng mga panganib na dulot ng Covid-19. Sa bagong Alternative Learning Mode ng DepEd, naging subsob sa pag aaral ang mga bata habang nakatutok ang mga magulang sa pagtuturo sa kanila sa loob ng tahanan. Makaraang mamahagi ang Pamahalaang Lokal ng Calaca ng gamit pang eskwela, naglaan din sila ng Nutrition Packs para sa Daycare at Balik-Aral Hygiene Kits para sa mga mag aaral mula Kinder hanggang Senior High School. Ang pamamahagi ay isinagawa mula Oktubre 19 – 29 sa 39 na paaralan sa Bayan ng Calaca.
Ang ipinamahaging Nutrition packs para sa mga mag aaral ng Daycare ay bilang pagtalima sa Nutrition month at bahagi ng taunang programa ng Tanggapang ng Pambayang Kalusugan. Layunin ng Pamahalaang Lokal na ang bawat batang Calaqueño ay puno ng SIGLA at maging MALUSOG. Ito ay naglalaman ng Powdered Milk Drink, Ascorbic Acid with Zinc, Vitamins Food Supplement at Toothbrush at Toothpaste. Sinamahan din ito ng Activity Book upang ang mga munting bata ay malibang at matuto habang nananatili sa kanilang mga tahanan. Kasama rin ang isang Covid-19 Information Booklet na nagbigay ng dagdag-kaalaman sa mga magulang para sa kapakanan ng buong pamilya.
Samantala, ang Balik-Aral Student Power Pack o Hygiene Kits ay naglalaman ng Ascorbic Acid with Zinc, Digital Thermometer, Face Masks, Alcohol, Toothbrush, Toothpaste, Oral Antiseptic at Wet Wipes upang laging maging handa ang mga mag aaral na pangalagaan ang kanilang kalinisan at kalusugan bilang panlaban sa Covid-19 virus.
Sa panahong ito ng pandemya ay sadyang nakakalungkot isipin na maging ang mga maliliit na bata sa loob mismo ng tahanan ay hindi ligtas sa Covid-19 virus. Hangad nating lahat na sikaping maging BATANG SIGLOG ang bawat batang Calaqueño.