Isang taon nang nasa ilalim ng community quarantine ang bayan ng Calaca upang mapanatiling ligtas ang mga mamamayan mula sa banta ng Coronavirus disease (COVID-19).
Sa pagpalo sa mahigit isang daang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, isinailalim ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula ika-17 ng Marso hanggang Abril 13, 2020. Habang nasa ilalim ng ECQ, mahigpit na ipinapatupad ang home quarantine kaya naman sinuspinde ang mga klase at pampublikong transportasyon. Ipinagbawal din ang maglakbay sa himpapawid o sa karagatan at ang pagkakaroon o pagdalo sa matataong pagtitipon. Tanging ang mga pribadong establisyemento para sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at tubig ang maaaring magbukas.
Sinunod din ng bayan ng Calaca ang ilan pang alituntunin mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa COVID-19 gaya ng pagtatrabaho mula sa bahay, pagbawas ng araw ng pagpasok ng ilang tanggapan at paglimita sa pagpasok sa pamilihang bayan. Nagtalaga din ng mga checkpoints sa mga lagusan papasok at palabas ng Calaca upang masigurong walang potensyal na carrier ang makakapasok sa bayan. Pinalawig ang ECQ sa buong Luzon hanggang ika-15 ng Mayo dulot ng patuloy na pagtaas ng mga naapektuhan ng coronavirus.
Pagsapit ng ika-16 ng Mayo, isinailalim sa mas maluwag na General Community Quarantine (GCQ) ang bayan ng Calaca dahil sa mababang bilang ng kaso dito. Matapos ang mahigit isang buwan sa ilalim ng GCQ, ibinaba ito sa Modified GCQ (MGCQ) noong buwan ng Hulyo. Dahil sa pag-akyat ng bilang ng positibong kaso sa munisipalidad, muling ibinalik sa GCQ ang bayan pagsapit ng buwan ng Agosto na nagtagal hanggang Enero 31, 2021.
Bukod sa pag-iral ng GCQ sa bayan ng Calaca ay may ilang barangay o sitio ang kinailangang isailalim sa Total Lockdown dulot ng pagtaas ng bilang ng positibong kaso doon. Isinagawa ito upang maiwasang maapektuhan ang iba pang Calaqueño at masiguradong ligtas ang mga residente ng apektadong lugar. Ang tinutukoy na mga lugar ay ang mga barangay ng Puting Bato West (Abril 2-15, 2020) kung saan naitala ang unang positibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Calaca, Lumbang na Matanda (Hulyo 19 – Agosto 2, 2020), Poblacion 5 (Agosto 14-28, 2020), at Salong Kanluran (Setyembre 7-21, 2020).
Sa panahon ng pagsulat ng artikulong ito ay may naitala nang 419 indibidwal ang naapektuhan ng COVID-19 sa bayan ng Calaca, 12 dito ay mga aktibong kaso.
Matindi mang pagsubok ang dala ng pandemya, ginagawa ng Pamahalaang Lokal sa pangunguna ng Tanggapan ng Pambayang Pangkalusugan na pinamumunuan ni Dra. Marjolyne Sharon Ona ang lahat ng kanilang makakaya upang masugpo ang COVID-19 sa bayan ng Calaca.