Tigdas, rubella, at polio – mga sakit na lubhang nakakabahala lalo na para sa mga batang nasa edad limang taong gulang pababa. Idagdag pa ang pangamba sanhi ng pandemya, mainam na isulong ang pagbibigay proteksyon sa mga bata para sa kanilang kalusugan.
Kaisa ang Rural Health Unit – Calaca ng Kagawaran ng Kalusugan sa pagsasagawa ng programang Chikiting Ligtas kung saan binibigyan ng karagdagang bakuna kontra rubella, polio, at tigdas ang mga batang wala pang limang taong gulang. Buo rin ang suporta ni Mayor Nas Ona sa nasabing programa, pinangunahan nga ng Punumbayan ang pagpapatak ng Oral Polio Vaccine sa ilang mga bata mula sa Brgy. Dacanlao.
Tinatayang nasa _ mga bata ang nabakunahan sa pamamagitan ng programang ito. Mas pinaigting ng RHU-Calaca ang kanilang kampanya kontra sa mga nasabing sakit sa pamamagitan ng paglalahad ng impormasyon ukol sa mga ito sa social media. Inilathala nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna at mga sintomas ng nasabing karamdaman.
“Napakahirap pong magkasakit lalo na sa panahon ngayon kaya napakagandang programa nito para sa mga anak namin,” pagbabahagi ng isa mga magulang ng batang nabakunahan mula sa Brgy. Pantay. Sa panahon ng patuloy na pagtaas ng banta sa pagkakaroon ng outbreak ng tigdas at pagdami ng naitatalang kaso ng rubella at polio, tiyak na mas magiging panatag ang kalooban ng mga magulang kung ang kanilang mga chikiting ay may dagdag proteksyon laban sa rubella, polio at tigdas.