Ipinasa ng Sangguniang Bayan ang Resolusyon Blg. 20-06 (Resolution Approving the Utilization of the Local Disaster Risk Reduction & Management Fund for the Taal Volcano Eruption Relief Operation, Rehabilitation, Reconstruction, Recovery and Other Works or Services Thereto Appurtenant) upang makapaglaan ng pondo para sa pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.
Sa pagtutulungan ng mga kawani ng munisipyo at mga boluntaryo, naihatid sa bawat araw ng pamamalagi ng mga kababayang Batangueño ang mga sariwa at bagong lutong pagkain. Kalauna’y nagtayo ng mga Community Kitchen sa evacuation centers kung saan mayroong heavy duty gas stoves, gasul, at iba pang mga pangunahing pangangailangan sa pagluluto. Bukod dito, nagsagawa ang Tanggapan ng Pambayang Kalusugan ng water purification sa mga water tanks upang masigurong malinis ang gagamiting tubig ng mga kapwa Batangueño.
Dagsa rin ang pagtulong ng iba’t-ibang mga indibidwal, pamilya, at organisasyon para sa mga lumikas na kababayan. Kabilang dito ang mga namumuno sa City Government of Biñan na pinangunahan ni Mayor Arman Reyes Dimaguila, Jr., kasama nila ang mga kapitan ng barangay mga negosyante sa naturang siyudad, at ilang mag-aaral mula sa PUP. Nagsagawa sila ng medical at dental mission at namigay ng ilang kagamitang panluto. Nagkaloob din ang mga Biñanenses ng pinansyal na tulong para sa ilang evacuees.
Medical mission din ang hatid ng mga sumusunod na grupo: Rotary Club of Manila, Quiapo Central, Province of Rizal, Iglesia ni Cristo, DOG-Manila, Military Medical Team, at Tondo Manila Team, kaagapay ang RHU Calaca. Nagsadya ang mga nabanggit na grupo sa iba’t-ibang evacuation centers upang masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga Batangueñong pansamantalang nanunuluyan sa bayan ng Calaca.
Isa rin ang ABS-CBN Sagip Kapamilya sa mga naghatid ng pangunahin pangangailangan ng mga evacuees gaya ng pagkain at hygiene kits. Naghandog naman ang Citicore Foundation mula sa Pasig City ng mga tsinelas para sa mga evacuees sa Calaca Senior High School. Nag-abot din ng tulong ang ilang personalidad gaya nina Angel Locsin, Sen. Bong Revilla at Sen. Win Gatchalian. Personal ding bumisita si Bb. Karen Davila at mga kawani ng May Puhunan kaagapay ang SM Cares, Angel’s Burger, Skin Magical, at Klio Food Keeper.
Katulad ng ipinangako ng Punumbayan, “kailanma’y hindi kami makakalimot”, binisita niya kasama ang mga kawani ng pamahalaang lokal ng Calaca ang bayan ng Agoncillo, Laurel at San Nicolas upang maghatid ng tulong at patuloy na maiparamdam ang pagmamahal at pagkalinga nating mga Calaqueño. Bukod dito, isinagawa ang NASA KANLUNGAN: Tulong sa Tumutulong noong Marso 3, 2020 na ginanap sa Calaca Municipal Gymnasium. Kinilala ng Pamahalaang Lokal ang kabutihan ng mga Calaqueñong bukas-palad na tumulong at kumupkop sa mga lumikas na kababayan dahil ng pagputok ng bulkan. Bitbit ang paniniwalang basta’t sama-sama, wala tayong hindi malalampasan ay patuloy na nananalangin ang mga Calaqueño sa kaligtasan ng ating mga kababayan. Sinubok man ng trahedya ang mga mamamayan ng Batangas, makikitang nanaig pa rin ang bayanihan at pagkakaisa ng mga Pilipino.