Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Calaca ng Kagawaran ng Agrikultura sa layunin nitong masiguradong makakaabot sa mga masisipag na magsasaka at mangingisda ang tulong at suporta para sa kani-kanilang kabuhayan.
Inilunsad ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor sa pangangasiwa ni Gng. Alicia Cabrera ang Ani at Kita Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) noong ika-8 ng Marso kung saan nagkaroon ng malawakang pagpaparehistro para sa mga kaGAwa mula sa industriya ng agri-fishery sa bawat barangay.
Ang Ani at Kita RSBSA ay opisyal na talaan ng pamahalaan na magbibigay pagkakakilanlan sa mangingisda at magsasakang Pilipino. Ito ang magsisilbing basehan ng pamahalaan para sa mga tulong pinansyal at insurance services na kanilang ipagkakaloob.
Hindi maikakaila ang kahalagahan ng agri-fishery industry para sa ekonomiya ng bansa, gayundin sa ating pangunahing pangangailangan. Ngunit hindi rin maikakaila na malaki ang naging dagok ng pandemya sa industriyang ito. Sa pamamagitan ng isinagawang malawakang pagpaparehistro, mas magiging protektado ang ani at kita ng mga kaGawang Calaqueño sapagkat siguradong makakaabot sa kanila ang suporta mula sa national government. Kaakibat nito ay hindi rin mapapagod ang Pamahalaang Lokal sa pagsasagawa ng mga aktibidad na mag-aangat sa antas ng kabuhayan ng mga mamamayan nito lalo’t higit sa sektor ng agrikultura.