Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID19, naglunsad ang Rural Health Unit ng programang 3T – Testing, Tracing at Treatment.
Malaki ang naitulong ng mga Rapid Testing centers sa mga entry points – Dacanlao, Sinisian at Tamayo, mga testing booth sa bawat barangay, at sa Ospital ng Calaca upang mapigilan ang mabilis na paglaganap ng virus. Kaagad na binibigyan ng aksyon ang mga nagpositibo sa rapid test upang matukoy kung apektado sila ng COVID19 at nang hindi na ito kumalat pa. Mula sa itinayong testing centers, tanging ang testing center na lang sa Sinisian ang binuksan pagpasok ng unang linggo ng Oktubre. Patuloy ang serbisyo ng mga Medtech mula sa RHU para sa mga nais magpa rapid test. Samantala, ang mga naka iskedyul para sa Swab Testing ay dinadala sa tanggapan ng RHU.
Sa sandaling makumpirmang positibo sa Swab testing o RT-PCR ay kaagad na isinasagawa ang contact tracing ng mga midwife at nurse ng RHU sa mga lugar na pinanggalingan ng pasyente dito sa ating bayan.
Ang lahat ng nag popositibo ay dinadala sa 3 Quarantine Centers – De La Salle University Charles Huang Conference Center, Alvez Hotel at Posada del Sol upang doon ay magpagaling sa tulong ni Dra. Sharon Ona. Ang mga quarantine Centers ay pinamunuan ni Mrs. Clara V. Pilapil kaagapay ng mga kawani mula sa Tanggapan ng Pambayang Administrador at Tanggapan ng Pambayang Kalusugan. Sa kasalukuyan, ang mga kinakailangan mag-quarantine ay kinakalinga sa De La Salle University Charles Huang Conference Center at sarado na bilang quarantine facility ang dalawa pang nabanggit na lugar.
Patunay ang pagkonti ng kaso ng COVID19 sa matagumpay na programa ng RHU. Hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga kawani mula sa Tanggapan ng Pambayang Kalusugan at Lokal na Pamahalaan sa patuloy na pagsugpo sa pandemya sa Bayan ng Calaca.