Inihayag ni Mayor Nas C. Ona, Jr ang kanyang mga nasimulang proyekto sa kanyang ika-100 Araw ng Gawa noong Oktubre 8, 2019 sa Calaca Municipal Gymnasium. Patunay ang kanyang salaysay na wala siyang sinayang na panahon upang ipaabot ang GAWA sa mga mamamayan ng Calaca.
Binaybay ng Punumbayan ang mga naging programang handog ng pamahalaang lokal sa mga mamamayan.
Mula sa Tanggapan ng Punumbayan:
Pagkakaroon ng NASA ISIP Programang Pang-Edukasyon na ginanap noong ika-7, 8, 14 at 15 ng Setyembre sa Calaca Senior High School na kung saan naglaan ng malaking pondo ang pamahalaan upang makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng 3,708 na estudyante at 98 ONA Scholars na nagmula sa mga paaralang nasasakupan ng Lalawigan ng Batangas. Gayundin ang pagbabahagi ng medical at burial assistance sa mga Calaqueño na may kabuuang halaga Php2.3M.
Mula sa Tanggapan ng Human Resources:
Paggunita ng ika-119 Anibersaryo ng Philippine Civil Service na pinangunahan ni HRMO Gng. Patti Margaret P. Casas kung saan ay nagkaroon ng iba’t-ibang aktibidad gaya ng Zumba, libreng mga serbisyo gaya ng gupit, masahe, manicure at pedicure at munting salu-salo pagsapit ng tanghali para sa mga empleyado ng Pamahalaang Bayan.
Mula sa Tanggapan ng Administrador:
Pagsasagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Road Clearing Operation sa Calaca Public Market at mga lansangan ng Poblacion 1 hanggang 6, mula sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang DILG Memorandum Circular 2019 – 121. Nakipag-ugnayan din sila sa mga Local Utility Service Providers upang masiguradong hindi nakaka-antala sa kalsada ang kanilang mga tubo, wirings, o mga poste.
Mula sa Tanggapan ng Pambayang Kagalingan at Pagpapaunlad ng Lipunan:
Paggunita ng 41st National Disability Prevention and Rehabilitation Week na ginanap sa Calaca Central School na may temang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagpapatupad ng Karapatan ng mga Taong May Kapansanan”, kung saan nagkaroon ng medical assistance para sa tatlumpung (30) sumasailalim sa Special Education (SPED) class.
Mula sa Tanggapan ng Agrikultor:
Pagpapatupad ng programang One Barangay, One Product na sinimulan sa pamumuno ni Gng. Alicia Cabrera. Ang proyekto ay may layuning mapanatiling buhay at masagana ang sektor ng agrikultura dito sa Bayan ng Calaca at upang magkaroon ng nakatakdang pananim ang bawat barangay na naaayon sa uri ng lupa at klima nito. Inilahad din ang mga uri ng pananim na matatanggap ng mga barangay sa Bayan ng Calaca na magsisilbing pagkakakilanlan ng mga ito.