“Ang aking hangarin, magkaroon ng isang propesyonal sa bawat pamilyang Calaqueño. Sapagkat ang lakas ng bawat pamilya ay siyang lakas din ng ating bayan,” pagbabahagi ni Mayor Nas C. Ona Jr. sa ginanap na pamamahagi ng NASA ISIP
PROGRAMANG PANG-EDUKASYON.
Sa ngayon, nasa ikatlong (3) taon na ng pamamahagi ang NASA ISIP programang pang-edukasyon na unang inilunsad noong Agosto taong 2019 upang maisakatuparan ang pangako ni Mayor Nas C. Ona Jr. na palawigin pa ang mga benepisyo para sa ating mga mag-aaral. Naitalang nasa 5,283 na mag-aaral mula Senior High School (Grade 11 at Grade 12), Kolehiyo, at mga kumukuha ng Masteral at Doctoral degrees ang nakatanggap na ng educational financial assistance para sa kanila nitong nakaraang 2020 at madadagdagan pa ito sa patuloy na pamamahagi ngayong taong 2021.
Kahit sa gitna ng pandemya simula ng taong 2020, patuloy nating sinusuportahan ang mga mag-aaral dahil namamahagi pa rin ng NASA ISIP educational financial assistance ang ating lokal na pamahalaan bagaman naantala ito dahil na rin sa naantalang pagpasok sa eskwela ng mga mag-aaral. Sa ngayon, tuluy-tuloy ang pagtanggap ng mga aplikante para sa SCHOOL YEAR 2021-2022 First Semester.
Kada taon, mahigit P20 milyon ang pondong naipamamahagi para sa mga NASA ISIP recipients.