News

Home 5 2019 News 5 5 MAHALAGANG PAKINABANG SA PAGIGING SIYUDAD NG BAYAN NG CALACA
5 MAHALAGANG PAKINABANG SA PAGIGING SIYUDAD NG BAYAN NG CALACA

Marami ang pinagdaanan ng pagsasabatas ng panukalang magpapabago ng estado ng CALACA mula MUNISIPYO patungo sa pagiging SIYUDAD. Ang paglalakbay ng ating munisipalidad upang maging ganap na CITY OF CALACA ay hindi lamang isang simpleng panukalang binalangkas ng mga mambabatas, bagkus ito ay nangangahulugan rin na ang PAG-GAWA ng mga nahalal na opisyal at mga kawani ng lokal na pamahalaan ay tama at naaayon sa kinakailangang mga hakbang upang dalhin sa kagalingan ang ating bayan.  

Kaugnay ng tagumpay na ito ay ang pagpapabuti ng antas ng kabuhayan ng mga Calaqueño na bunga ng mga sumusunod na mahahalagang benepisyo kapag naging ganap na siyudad ang ating bayan:

1 – MAS MALAKING PONDO NA LAAN PARA SA MGA PROGRAMANG KUMAKALINGA AT NAGPAPALAKAS SA CALAQUEÑO

Ang mga nasimulang programa para sa edukasyon at gamit sa eskwela (NASA ISIP at NASA HUSAY), kalusugan (NASA LAKAS), pangkabuhayan (NASA TIYAGA), ganun din ang mga makabagong teknolohiya at iba pang mga programa ay mas matutustusan ng husto ng Lokal na Pamahalaan. Dahil sa mas tataas na pondo ng bayan, ang mga programa para sa imprastraktura (NASA TIBAY) tulad ng mga daan, pailaw, mga eskwelahan, kolehiyo at mga pasilidad ay mas maisasaayos pa at magdadala ng malaking ginhawa sa mga Calaqueño.

2 – MAS MALAKING PONDONG MAPUPUNTA SA CALACA

Ang ibig sabihin nito ay mapupunta na sa Calaca ang pondong dati ay ibinabahagi sa Lalawigan ng Batangas bilang parte nito sa kita ng ating bayan. Sa pagiging City ng Calaca, ang kabuuan ng ating kinikita mula sa Real Property Taxes ay mapapakinabangan na at tataas din ang ating alokasyon mula sa Internal Revenue Allotment (IRA). Mas malawak na benepisyo ang katapat nito para sa ating mga mamamayan.

3 – MAS MALAKAS NA KOMERSYO AT PAGDAMI NG MGA ESTABLISYEMENTO AT PATRABAHO

Mas lalakas ang komersyo at dadami ang establisyemento kagaya ng mga bangko, pamilihan, mall at iba pang mamumuhunan na magtatayo ng mga pasilidad dito. Ito ay magdadala ng mga oportunidad sa mas madaming trabaho para sa mga Calaqueño – mga trabahong makakatulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, mapaunlad ang kanilang mga sarili, at maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay. 

4 – HINDI PAGTAAS NG BUWIS

Hindi nangangahulugang tataas ang buwis sa pagiging CITY ng CALACA. Sa mas malaking kita na inaasahan, hindi kinakailangang magtaas pa ng buwis ng Lokal na Pamahalaan. Matutustusan natin ang sariling pangangailangan at serbisyo sa mamamayan.

5 – MAS MATAAS NA PONDONG LAAN PARA SA BARANGAY 

Mula sa mas malaking kita ng City of Calaca, tataas din ang pondong nakalaan para sa bawat barangay. Bukod pa sa mga programa ng Lokal na Pamahalaan, mas maraming programa at proyekto rin ang maiisakatuparan kada barangay gaya ng pagpapatayo ng mga karagdagang pasilidad at pagsasaayos ng mga daan at iba pang mga serbisyo. 

Nakakataba ng pusong maging residente ng napipintong kauna-unahang siyudad sa unang distrito ng lalawigan ng Batangas. Hindi lamang galak at karangalan ang dala nito sa bawat Calaqueño bagkus ay dala rin nito ang pagkakataon para sa mas magandang bukas. Mga araw na ating kakaharaping bitbit ang panibagong pag-asa na makakaya nating bumangon at sumulong nang hindi umuurong sapagkat iisang Calaca tayo. 

Upcoming Events

Tags

Tags:
Share Article

More News

No Results Found

The page you requested could not be found. Try refining your search, or use the navigation above to locate the post.

Social media & sharing icons powered by UltimatelySocial